Desisyon ng Korte Suprema: https://lawphil.net/judjuris/juri2009/jul2009/am_rtj-09-2175_2009.html
serye: juan vs. judge abusado
Ano Ba Ang JUDICIAL Contempt of court
Isa itong likas na kapangyarihan ng korte (Likas? Sino nagsabi? Alamin sa baba.) — hindi ng judge na nakaupo dito — na parusahan ang mamamayan na hindi sumunod sa utos ng korte o hindi gumalang sa institusyon. Pero hindi lahat ng utos, yun lang ayon sa batas, makatwiran, at makatarungan. Kapag baluktot ang judge, huwag mong sundin. Ireklamo mo gaya ng ginawa kay Judge Ibay ng RTC Branch 135 ng Makati City noong 2005.

Huwag Kang Pumarada SA PWESTO NI JUDGE ABUSADO, Contempt KULONG Ka!
Noong Marso 18, 2005, mga 7:30 ng umaga, nag palabas ng utos ang Judge Abusado (o Francisco Ibay ng Makati RTC Branch 125) kay Juan (o Venancio Inonog ng Tanay, Rizal) na magpaliwanag (ang tawag ay “show cause order”) kung bakit hindi sya dapat i-contempt. Ang utos ay humarap sya sa korte ni Judge Abusado sa loob ng tatlong oras. Dahil hindi nakaharap si Juan sa korte ni Judge Abusado, hinatulan sya ng 5 araw na kulong at P1,000 na multa.
ANO BA KASALANAN NI JUAN?
Si Juan ay driver ng isang opisyal ng gobyerno ng Makati. Hating-gabi, mga ala-una nang madaling araw ng Marso 18, 2005, Biyernes, ipinarada nya ang sasakyan ng amo nya sa munisipyo pero may nakaparada sa normal nyang pinaparadahan kaya pinarada nya sa pwesto na nakalaan pala kay Judge Abusado. Walang pangalan ang pwesto kundi numero lang. Dahil masama ang kanyang pakiramdam, sinabi nya sa amo nya na hindi na sya makakapasok nang araw na iyon.
Nang umaga ding iyon paglabas ng utos ni Judge Abusado mga alas 8, nakatanggap si Juan ng tawag sa kapatid nya na nagtatrabaho din sa munisipyo ng Makati para sabihin na kailangan nyang humarap sa korte ni Judge Abusado dahil nga sa ginamit nya ang pwesto nito. Dali-daling nagbyahe si Juan kahit na masama ang pakiramdam nya. Sa layo ng Tanay sa Makati, ala 1 na ng tanghali sya nakarating. May warrant of arrest na sya. Walang nabanggit sa kwento ng desisyon ng Korte Suprema kung sya ay kinulong agad kasi dahil kina-Lunisan nakapaghain pa ang abogado ni Juan ng Motion for Reconsideration (pakiusap na isipin muli ni Judge Abusado kung tama ang kanyang desisyon sa kanyang utos na pagpakulong kay Juan) and/or Lift Order of Arrest (pakiusap na bawiin ang utos na arestuhin sya). Denied. Nganga si Juan. Naghain muli nang isa pang pakiusap kung saan pinaliwanag nya na hindi naman nya alam na kay Judge Abusado ang pinaradahan nya at humingi sya ng tawad sabay ang pangako na hindi na nya ito uulitin (sa Inglatera, pag nag sorry ka na nag “purging the contempt” ka na o nalinis mo na ang kasalanan mo at mas malamang na bawiin na ang parusa sayo). Nagbayad na rin sya ng multa. Hindi kontento si Judge Abusado sa paliwanag nya kaya noong Marso 30, 2005, dinagdagan pa nya ng isa pang libo ang multa pero tinanggal na nya ang kulong. Nagbayad pa ng multa muli si Juan.
Pansinin taumbayan, kailangang pang magmakaawa ang isang taumbayan sa abusadong judge sa ginawang hindi naman nya sinasadya at maliit na bagay. Pansinin din na nagbayad pa sya ng abogado.
Pero, lumaban si Juan. Nireklamo nya sa Korte Suprema si Judge Abusado. Kaya lang napakatagal ng desisyon. Lagpas apat na taon bago pa nakarinig si Juan sa desisyon ng Korte Suprema. Sa loob ng panahon na ito nagretiro na si Judge Abusado.
Palusot Ni Judge Abusado
Pero pakinggan natin ang paliwanag ni Judge Abusado sa Korte Suprema. Ang depensa ni Judge Abusado ay sadya naman daw talagang alam ni Juan na pwesto nya ang pinaradahan kasi may pangalan nya ito (nagsinungaling pa!) dahil daw pinalagyan nga nya ng pangalan nya nang may mga pumaparada dito at pumaparada sya tuloy sa paradahan ng publiko imbes sa kanyang sariling pwesto.
Dinagdag pa ni Judge Abusado na sinuway ni Juan ang utos nyang humarap sa sala nya kaya nya hinatulan ng contempt (isa pang kasinungalingan!).
Depensa pa ni Judge Abusado na hindi daw nya inabuso ang kapangyarihan ng korte (pansinin: kapangyarihan ng korte, hindi personal na kapangyarihan ni Judge Abusado). Ang patunay daw ay binigyan pa nya ng pagkakataong mamili si Juan ng abogado nya (lintik talaga tong abusadong judge na ito, Konstitusyon ang nagbigay ng karapatan na yan ng akusado, feelingera sya pa daw nagbigay). Pinag-isipan daw pa nya ng seryoso ang kanyang desisyon.
PInaliwanag ni Judge Abusado na kaya nya hinatulan si Juan ay dahil inantala daw ni Juan ang trabaho ni Judge Abuso ng paghahatol sa mga kaso noong araw na yon na pumarada si Juan. Gusto daw nya kasing iresolba ng mabilis ang mga kasong dinidinig nya. Pinagyabang pa nya na pangatlo daw sya sa mga RTC judges ng Makati sa pabilisan sa trabaho.
Depensa pa nya na naiinis daw sya sa mga walang kakwenta-kwentang pag-aantala sa kanyang trabaho ng mga pumaparada sa kanyang pwesto. Pero hindi naman daw nawala ang kanyang pagiging patas (objectivity, impartiality), tapat (probity), malamig ang ulo (equanimity) at kalinisan ng konsensya (integrity). Ang desisyon daw nyang ipakulong si Juan o pamultahin ay nasa loob ng hangganan ng batas at katarungan (saan bang planeta ng kahayupan ang pag-iisip nitong abusadong judge na ito?).
Desisyon ng OCA
Pag ikaw ay nag-reklamo, didinggin muna ito ng tagapamahala ng mga korte na ang tawag ay Office of the Court Administrator o OCA. Sa reklamo ni Juan, napagdesisyunan ng OCA na:
- pinagkaitan si Juan ng karapatang marinig (right to be heard) ang kanyang paliwanag bago hatulan (kasi indirect contempt ito o hindi sa loob ng korte, kailangan may paglilitis bago hatulan) at
- hinatulan si Juan dahil lamang sa mababaw na dahilan.
Pinaalala ni OCA na ang contempt ay may dalawang uri: direct at indirect. Direct kapag ang ginawa ay sa loob ng korte o harap ng judge na nakakagulo o nakakaantala ng paglilitis, hindi paggalang sa korte (pansinin muli hindi sa judge), kabastusan sa mga nasa paglilitis, pagtangging manumpa bilang testigo na utos ng batas. Ang direct contempt ay hindi na lilitisin, parusa agad! Samantala, ang indirect naman ay ginawa sa labas ng korte pero kailangan itong litisin (trial) bago hatulan na kung saan bibigyan muna ang akusado ng abiso (notice) at pagkakataon na madinig ang kanyang depensa (hearing). Dahil kasong kriminal ang contempt, kailangang sundin ito bilang due process of law.
Sa insidente, nang pumarada si Juan ay wala naman daw na nilabag na utos ng korte. Ang insidente ay napakababaw daw para maging basehan ng contempt. Isa lang daw itong abala (inconvenience) pero hindi nito inantala ang pagbibigay ng hustisya sa mga kasong dinidinig ni Judge Abusado. Hindi naman daw napatunayan na sinadya ni Juan ang parada para bastusin si Judge Abusado. Nagdesisyong padalos-dalos (precipitous) daw si Judge Abusado para gumanti (retaliate) kay Juan at hindi para depensahan ang dangal ng institusyon ng korte. Sinabi din ng OCA, na walang sapat na abiso (notice) si Judge Abuso kay Juan sa kanyang utos na humarap sa kanya kasi nga wala pang tatlong oras ang abiso (dapat man lang kina-Lunisan o Martes kasi ipapadala pa ang abiso sa kartero).
Ang rekomendasyon ng OCA sa Korte Suprema na parusa: P5,000 (walang hiya, kulang pa sa pambayad sa abogado, tapos sa korte pa mapupunta ang pera at walang danyos na makukuha si Juan sa abala, sa takot, sa kahihiyan, sa pagkabalisa – hindi lamang nya pati pamilya nya) – e pitik lang yan sa kamay ni Judge Abusado! Yang ganyang parusa ay hindi parusa bagkus pakitang-taong parusa.
Pagkabasa nyo sa baba ng desisyon ng boss ng OCA, makikita nyo taumbayan na si OCA ay mas matindi pa sa boss nyang mangunsinti. Ang tawag namin sa ugali ng OCA ay “protect your own” (protektahan ang kasama mo) — kaya walang kwentang magreklamo sa gobyerno. Lugi ka pa sa gastos. Lalo lang sasama ang loob mo sa walang kwentang abusong gobyerno!
Desisyon ng Korte Suprema
Sumang-ayon ang Korte Suprema sa OCA na parusahan si Judge Abusado pero hindi lamang limang libong multa. Pinaliwanag muna nito ang mga halimbawa ng indirect contempt:
- pasaway ng mga opisyal ng korte (tulad ng mga abogado) sa kanilang trabaho;
- hindi pagsunod o pagtutol sa lawful (ayon sa batas) na utos o desisyon ng korte;
- abuso o unlawful (di ayon sa batas) na pagpigil o pagharang sa proseso ng paglilitis na hindi naman direct contempt (nasa loob ng korte o harap ng judge);
- hindi tamang galaw o gawain (improper conduct) na nakakapigil (impede, obstruct) o nakakababa (degrade) sa proseso ng pagbibigay ng hustisya (administration of justice);
- pagganap na abogado o opisyal ng korte nang walang pahintulot ayon sa batas (without authority); at
- pagsuway sa patawag ng korte (subpoena) na natanggap (duly served).
Dinagdag pa nito na ang indirect contempt ay pwedeng kusang ikaso ng korte (kahit hindi hiniling ng katunggali sa kaso). Ang tawag dito ay “motu proprio“.
Sabi ng Korte Suprema, kaugnay sa ika-apat sa listahan sa itaas ang indirect contempt ni Juan. Napakalawak daw ng kategorya na ito pero ang pagparada ni Juan ay hindi naman daw pasok dito. Hindi naman daw naipakita ni Judge Abusado na may malisya (alam nyang mali ang pagparada nya) o sadya (bad faith) o layunin ni Juan na iantala ang trabaho ni Judge Abusado. Hindi din daw ito walang paggalang sa dangal ng korte. Samakatwid, napakababaw daw na basehan ito para litisin si Juan sa indirect contempt.
Binanggit ng Korte Suprema ang iba nitong desisyon. Sa Lu Ym v. Mahinay, para maging contempt daw kailangan na malinaw (clearly) na pagsuway (contrary or prohibited) sa utos ng korte. Hindi daw mapaparusahan ang isang pagsuway (disobedience) kung hindi nga malinaw (clearly) at eksakto ang utos kung ano ang pinagbabawal o ano ang sinuway para sigurado na naintindihan ng akusado ang dapat nyang sundin. Sa kaso daw ni Juan, ang pagbabawal na pumarada ay hindi naman pinagbabawal ng kahit anong utos ng korte.
Paliwanag pa ng Korte Suprema na ang kapangyarihan mag-contempt ay likas (inherent) sa lahat ng korte para mapanatili (preserve) ang kaayusan ng paglilitis (order of judicial proceedings) at para maipatupad (uphold) ang pagbibigay ng hustisya (administration of justice). Ang kapangyarihan ng korte na mag-contempt ay hindi pwedeng gamitin ng judge sa personal na layunin (tulad ng pagganti sa inis ni Judge Abusado) kasi ang kapangyarihan ay proteksyon hindi para sa judges (o pagkatao ng judges) bagkus ay para proteksyonan ang kanilang tungkulin (functions). Kaya paulit-ulit na na pinapaalalahanan ang mga judges na gagamitin lamang ang kapangyarihang ito ng makatwiran (judiciously), madalang (sparingly), at may malakas na pagpipigil at pasensya (utmost restraint) para sa pagtatama (correction) at papapanatili (preservation) ng dangal ng korte – hindi para sa paghihiganti (retaliation) o pagtatanggol ng pangalan o dangal (vindication). Sa kaso ni Judge Abusado, ang walang pakundangang paghatol ng kulong at multa kay Juan ay isang malinaw na ebidensya na walang katwiran at katarungan ang paggamit ni Judge Abusado ng kapangyarihan ng korte na mag-contempt.
Dinagdag pa ng Korte Suprema na bukod sa mataas na kaalaman sa batas, ang isang judge ay dapat ipakita din ang kanyang paghuhukom ay may pinaka-mahabang pagpapasensya o lamig ng ulo (utmost sobriety) at pinaka-malakas na pagpipigil (utmost self-restraint) dahil ito ay kailangang katangian (indispensable qualities) ng bawat judge. Binanggit din na si Judge Abusado mismo ang nagsabi na maliit na abala (petty disturbance) ang insidente at dapat hindi nya pinakita na nainis sya para lang sayangin ang mahalagang panahon at atensyon ng korte sa walang kwentang bagay (trivial matter).
Hindi Una Ang Abusong Ito
Pinaalala ng Korte Suprema na hindi ito ang unang abuso ni Judge Abusado sa taumbayan.
Noong Hunyo 21, 2006 sa kasong Panaligan v. Ibay, nauna nang pinarusahan na ng Korte Suprrema si Judge Abusado nang nag-utos ito na ikulong ang isang Juan ng walang sapat na batayan sa batas. Binigyan si Judge Abusado ng babala na kapag inulit pa nya, paparusahan pa sya ng matindi. Ang parusa ng Korte Suprema kay Judge Abusado: P5,000 (walandyo, yan lang ang katumbas ng pagpapakulong sa taumbayan?)!
E dahil nga sa walang kwentang parusa, sa kasong Macrohon v. Ibay na hinatulan ng Korte Suprema noong Nobyembre 30, 2006, umulit uli na mag-contempt ng isa pang Juan nang walang katwiran at katarungan si Judge Abusado Talaga. Ang parusa: P25,000.
E eto matindi sa kasong Nunez v. Ibay na hinatulan ng Korte Suprema noong Hunyo 30, 2009: nag-contempt ng labag sa batas na pala si Judge Abusado Talaga sa isa pang Juan ukol din sa pagparada sa kanyang pwesto. Ang parusa: P40,000. Eto ibabawas na lang daw sa retirement benefits ni Judge Abusado Talaga kasi nag-retire na sya noong Agosto 18, 2007.
Bago itong kaso na itong pinag-uusapan natin, bayan, tatlong beses na naparusahan si Judge Abuso Talagang Talaga sa kanyang paulit-ulit na pag abuso ng kapangyarihan ng korte na mag-contempt. Bayan, ano sa palagay mo ang parusa sa ika-apat na beses na abuso na ito ni Judge Abuso Talagang Talagang Talaga? Ang parusa: P40,000 din!
Korte Suprema, Korte Problema TALAGA
Nakita nyo na bayan? Ang ating Korte Suprema ay isang malaking Korte Problema talaga! Isipin natin, ang ating mga kababayan ay paulit-ulit na pinapakulong — tinatanggalan ng kalayaan, ang pinaka mahalaga sa buhay ng isang tao — nang paulit-ulit ng abusadong judge. Hindi isa, dalawa, o tatlo. Apat na beses!
Ang pinsala sa mga inapi at inabuso ni Judge Abusado Talagang Talagang Talaga na sina Panaligan (desisyon Hunyo 21, 2006), Macrohon (desisyon Nobyembre 30, 2006), Nunez (desisyon Hunyo 30, 2009), at Inonog (desisyon Hulyo 28, 2009) ay hindi mababayaran ng P5,000 o P25,000 o P40,000 lamang. Walang katumbas na salapi ang pagkakait ng kalayaan dahil lamang sa inaabusong kapangyarihan ng korte na mag-contempt. Tandaan, hindi kay Juan mapupunta ang salapi na yan, sa Korte Suprema din!
Ngayon balikan natin ang ni-rekomenda ng OCA sa boss nila na parusa kay Judge Abusado Talagang Talagang Talaga: P5,000. Grabeeeee, apat na beses nagpakulong sa taumbayan, limang libo! Hindi pwedeng hindi alam ng OCA ang tatlong naunang desisyon ng boss nito kay Judge Abusado Talagang Talagang Talaga.
Ang Sapat Na Parusa Sa Mga Abusadong Judges!
Taumbayan, isa lamang itong halimbawa sa walang kwentang pagpaparusa sa mga abusadong judges. Kung tayo ay sumuway sa unang babala at umulit pa sa pangalawang beses, aba bugbog abot pa natin sa mga Katulisan Kapulisan. Pero pag mga judges, e baby-touch. Kahit pa hanggang apat na beses.
Ano ba dapat ang parusa sa mga abusadong judges? Ang dapat: one-strike policy. Wala ng second chance. Nada. Zilch.
E sabi mismo ng Korte Suprema ukol sa judges: “Besides possessing the requisite learning in law, a magistrate MUST exhibit that hallmark of judicial TEMPERAMENT of UTMOST SOBRIETY and SELF-RESTRAINT which are INDESPENSABLE QUALITIES of EVERY JUDGE”. Binanggit na namin ito sa taas, balikan ang talata na may kulay dilaw.
So napakataas na antas ng kalidad ito. Mataas na pamantayan. Ipagpalagay natin na ito ay may gradong 100. Ngayon, suriin natin muli ang kababawan ng paratang ni Judge Abuso Talagang Talagang Talaga sa mga mamamayan. Bigyan natin ito ng gradong one kahit zero dapat. Bakit zero? E dahil hindi nga dahilan ang pagpark. Bakit one? Kasi ang ginamit na salita ng OCA at ng boss nito ay “flimsy” o mababaw na dahilan. Sa totoo lang, walang dahilan kaya dapat zero imbes na one. Anyway, so pagpalagay natin na one so tulad sa eskwela pag ganito ang grado, wala nang babala ito. Expelled kaagad. Sipain agad.
Pero sapat ba talaga ang sibakin lang sa serbisyo, bukod sa multa? Hindeeeeeeeee! Kung ang pagpapakulong ay walang pakundangang ginagawa ng mga abusadong judges, aba e di kulong din ang bawi. Actually, dapat nga mas matagal ang kulong nila kasi nga napakataas ng antas ng kanilang panuntunan na maging matuwid kesa mga ordinaryong mamamayan. Sa malalim naming pagsusuri, kung pinakulong ng abusadong judge ang isang Juan nang 5 araw (tulad ng hatol ni Judge Abuso Talagang Talagang Talaga kay Inonog), dapat x 100. So si Judge Abuso Talagang Talagang Talaga ay dapat kinulong ng 500 araw!
Tsaka di ba merong krimen sa Revised Penal Code sa ilalim ng:
- Article 204 (Knowingly Rendering Unjust Judgment) – sinadyang di makatarungang pinal na hatol
- Article 205 (Judgement Rendered Through Negligence) – pabayang pinal na hatol
- Article 206 (Unjust Interlocutory Order) – sinadyang di makatarungang hatol (hindi pa pinal)
Aba, sa mga abuso ni Judge Abuso Talagang Talagang Talaga, apat na beses syang dapat kinulong sa ilalim ng Article 204. Ang parusa dito ay may kulong na hanggang 12 na taon at may kasamang pang habang-buhay na diskwalipikasyon (perpetual absolute disqualification). Samakatwid, dapat aabot ng 48 na taon syang dapat kinulong!
E nasa Pilipinas tayo, taumbayan. Walang judge na nakukulong sa ilalim ng mga Articles na ito. Korte Suprema, kung meron man, pakisabi naman po sa taumbayan para lagi naming ipaalala sa inyo kung anong klaseng parusa ang ipataw nyo sa mga abusado nyong judges. Hindi P5,000, hindi P25,000, hindi P40,000. Kulong ang sigaw ng bayan!
Inuulit namin, Korte Problema: ang dapat na parusa ay kulong agad sa unang pagkakasala o imprisonment after one strike. Tingnan natin kung may umabuso pang judge gamit ang contempt sa taumbayan.
E komo nga wala namang kulong ang reklamong administratibo sa Korte Suprema, dapat ang ginawa ng Korte Problema kay Judge Abusadong Talagang Talagang Talaga ay forfeiture ng lahat ng kanyang retirementt benefits. Actually, dapat ibigay yon na danyos kay Juan, bilang bayad sa napakalaki at napakaraming pinsala: gastos sa abogado at pagdemanda, kahihiyan at stress nya at ng kanyang pamilya, pagkasira ng kanyang reputasyon, ang trauma, galit at epekto sa kalusugan! Aba hindi maliit na bagay ang ikaw ay idemanda mismo ng isang judge kahit na alam ng buong bayan na ito ay isang abusadong judge.
isipin taumbayaN: Ang Contempt of Court Ay Isang Uri Ng Abuso Ng Gobyerno
Pansinin, alalahanin at tandaan natin na ang mga Justices ng Korte Suprema ay hindi halal ng taumbayan. Sila ay binasbasan lang ng binoto nating presidente. Ang pinagkalooban natin ng kapangyarihan ay ang presidente, hindi ang mga nakaupo sa Korte Suprema lalo na ang mga judges na empleyado lamang sa mga mababang korte.
E kung ang presidente na hinalal ng taumbayan nga e walang kapangyarihang basta na lamang ipakulong ang isang Juan, e bakit may kapangyarihan ang isang judge, lalo na ang mga lasing sa kapangyarihan na nagpapaka-importanteng judge tulad ni Judge Abusado Talagang Talagang Talaga?
Sino ang nagsabi na likas (inherent) ang kapangyarihan ng korte na ipakulong ng mga empleyado nito (mga abusdong judge) ang taumbayan na humalal sa nagbigay sa mga nakaupo sa korte ng trabaho?
Syempe alam nyo kalat sa social media kung paano bastusin, alipustahin, pagtawanan, kutyain si BBM ng ilan sating mga taumbayan. Naghahalikan pa nga sila ni Martin at Torre. O yung “bangag, bangag, ngiwi, ngiwi” dance ni Roque. Sa totoo lang, defamation itong ginagawa ni Roque dahil hindi naman ukol ito sa trabaho ni BBM? Ganon din ang pag-alipusta sa dating presidente Duterte.
Ikumpara mo itong kalaswaan na ito sa insidenteng pagparada. Ang mga halal nating opisyal, mi hindi nga tayo mapakulong pero etong mga judges pinapakulong tayong mga taumbayan dahil nainis lang satin sa maliit na bagay? Hindi natin binigyan ng kapangyarihan ang Korte Suprema na tayo ay ipakulong.
Isa pa, pansinin na sa paglilitis ng indirect contempt, ang judge ang nagreklamo (complainant), taga-usig (prosecutor) at taga hatol (judge) sa akusadong Juan. Sya na lahat, daig pa ang hari. Tapos, sa direct contempt, bukod na judge na talaga ang hari, wala pang karapatan magdepensa o mangatwiran ang kinontempt.
Hindi ba sa kasong ito ng driver, hindi sya nakaharap kasi kulang ang abiso at oras na kasalanang abuso pa ni Judge Abusado TTT. Tapos, arestado agad, guilty agad, kriminal agad. Hindi ba isang krimen ang contempt na ito, e dapat ang pamantayan ay “guilty beyond reasonable doubt”. E wala inis pa lang si Judge Abuso TTT, guilty na.
Ang napakaraming dahailan na ito kung kayat malinaw na ang kapangyarihang magcontempt ay napakalaking abuso ng gobyerno!
So ulitin natin ang tanong: sino ba ang nagsabi na may kapangyarihan ang korte na tayo ay pwede nila tayong ipakulong kasi sinuway natin sila o ininis lang natin sila? E di sila sila din na hindi namn natin hinalal? San ba galing ito? Sa Amerika na ginayahan natin ng mga batas at katwiran. E nangopya nga lang ang Amerika sa Inglatera dahil dito nagmula ang mga panuntunan ng batas sa lahat ng mundo. E ano bang history ng Inglatera? Di ba napakaraming sunod-sunod na pang-aabuso ng kapangyarihan? Sa pagkahaba-haba ng panahon, naiwan o iniwan pa itong antik na konsepto na kapangyarihan ng korte na mag-contempt.
Pansinin bayan na paulit-ulit ang abuso ni Judge Abusado TTT pero wala syang kulong habang ang kanyang mga biktimang mamamayan ay nakakatikim ng kulong (kung hindi nagpyansa). Pansinin, ang sitwaasyon ng isang naka-probation halimbawa ng 2 taon imbes na bunuin ang 6 na taon na parusa ng kanyang krimen (palagay nating guilty talaga sya dahil madalas pinilit ng PAO at pulis na umamin na lang kesa makulong ng mas matagal). Isang beses lang syang hindi mag-report ay arestado na agad sya at bubunuin na nya ang kulong ng buong 6 na taon. Basura na ang probation. Walang paulit-ulit pa na pag-suway hanggang apat na beses tulad ng ginawa ni Judge Abusado TTT. So malinaw ang batas ay ginagamit ng mga hindi man lamang binigyan ng kapangyarihan ng taumbayan para abusuhin at pasakitan ang mga Juans.
2025 na. Panahon na ng internet. May A.I na. Panahon na ating suriin ang mga kaisipang ito para itama ang mga mali na ating nakagisnan.
Sibakin Ng Kongreso Ang Kapangyarihang Inimbento Ng Korte Problema Kahit Na Kinopya Lamang Ito Sa Amerika at Inglatera
Sa totoo lang, walang kapangyarihang gumawa ng batas ang Korte Suprema dahil tungkulin ito ng Kongreso. Ang mga batas na ginawa ng Kongreso ay nasa mga Republic Acts (R.A.) Ang papel nila ay interpret ang mga batas na ito kung ano ang intensyon ng Kongreso kung hindi malinaw ang pagkakasulat para ma-apply sa isang kaso. Yung mga batas na ginagawa nila ay mula sa interpretasyon na ito. Ang tawag dito ay “judge-made law” o “case law” (batas na galing sa desisyon nila sa mga kaso).
Dalawa sistema ng batas: civil law at common law. Ang civil law ay mula sa mga batas na ginagawa ng Kongreso. Nakasulat ang batas. Yung extra na batas mula sa “case law” ng Korte Suprema ay “common law”. Ang Inglatera at Amerika kung saan tayo ay nangopya ay common law. Tayo halo-halo kasi sinakop tayo ng Espanya na may civil law at Amerika na may common law. Pero ang halo ng common law e kapag hindi lang malinaw si civil law kaya pangunahing mambabatas talaga ay Kongreso at hindi Korte Suprema.
Namana natin sa common law ang antik na konsepto ng “contempt of court”. Hindi ito likha ng Kongreso. Gaya ng sinabi kanina, gawa-gawa lamang ito ng korte na pinagkopyahan natin sa Amerika at Inglatera.
Dahil ito ay inaabuso ng mga judges at iba pang opisyal ng gobyerno tulad ng mga senador (dahil may kapangyarihan din ang Kongreso na mag contempt sa mga congressional hearings nito), dapat itong pag-isipan kung nakabubuti ba o nakakasama sa lipunan.
Ang problema ba ay ang konsepto ng contempt o ang pag-abus nito? Para sa amin, ang problema ay konsepto kasi likas sa tao, lalo na ang mga opisyal ng Pilipinas, na umabuso at mang-abuso. Walang lunas ang abuso. Hindi natin mapipigilan ito. Ang problema para masolusyunan ay kailangang gamutin sa ugat. Ang ugat ng problema ay ang konsepto. Kung ang presidente, House Speaker, congressman, mayor, atbp ay walang kapangyarihang tayo ay ipakulong dahil hindi natin ginalang o sinuway, e bakit merong kapangyarihan ang mga judges? Dapat itong tanggalin, lalo na hindi lahat ng utos ng mga ito ay makatwiran, ayon sa batas, at makatarungan. Sa totoo lang, akala ng mga judges na personal nilang kapangyarihan nila yon kasi nga nakapwesto sila sa korte. Akala lang nila yon. O lasing lang din sa kapangyarihan — gaya ni Judge Abusado TTT. So ang dapat gawin, isabatas ng Kongreso na sibakin ang kapangyarihan na contempt of court.
Anong i-preserve ang integrity ng hustisya o proseso ng pagbibigay ng hustisya? E gumuguho ba ang integrity ng institusyon ng president o ng Kongreso? Hindi naman din. Ang kapangyarihang contempt of court ay taliwas sa konseptong ang “public service is public trust.” Kung wala tiwala ang taumbayan sa mga judges dahil sa mga kabaluktotan nito, wala din silang karapatang mamuno sa taumbayan. E hindi ba public servants din ang mga judges? San ka nakakita na ang utusan mo (servants) ang nagpapakulong sayo?
O sasabihin ng Senado paano naman ang mga nagsisinungaling sa mga hearings nila di hindi nila mapapakulong sa kanilang kapangyarihan naman gamit ang legislative contempt power? E di kasuhan mo ng perjury o false testimony, nasa batas na naman yan sa Revised Penal Cod, matagal na! 1932 pa!
O kung ayaw naman ng Kongreso na sibakin ang kapangyarihang contempt e di gumawa sila ng bagong batas na may malinaw na panuntunan kung kailan lamang makatarungan ang paggamit nito.
Ang presidente naman at Korte Suprema ay ipatupad ang Articles 204 to 206 ng Revised Penal Code para ipakulong ang mga abusong tulad ni Judge Abusado TTT?
Panahon na dapat linawin ang maling kinagisnang ito at ituwid!
Justice Delayed, Justice Denied (Ang Katarungang Pinagpaliban, KatarungAng Pinagkait)
Pansinin na ang reklamo ni Inonog kay Judge Abusado Talagang Talagang Talaga ay sinampa noong 2005 ngunit lumipas pa ang mahigit na apat na taon bago pa na denisisyunan ng Korte Problema noong 2009. Sa loob ng panahon na ito, may tatlo pang naunang inabuso at pinakulong si Judge Abusado Talagang Talagang Talaga. Bukod sa walang kwenta ang parusa ng Korte Problema, ang tagal ng pag-aksyon ng Korte Problema ay nagbigay pa ng lakas ng loob kay Judge Abusado Talagang Talagang Talaga na ulit-ulitin sa marami pang Juan kasi nga, pingot lang sa tenga ang parusa.
Ang Iba Pang Kwento Ng Contempt Ni Judge Abusadong Talagang Talagang Talaga
Sa mga susunod na posts, abangan ang detalye ng kwento ng mga naunang abuso ng abusadong judge na ito.
Kung Ikaw Ay Mahistrado Ng Korte Suprema
Basahin po muli ang talata na may kulay dilaw sa taas. Pwera sa kaalaman sa batas, abot mo kaya ang antas na sinabi ng Korte Suprema na dapat ay katangian ng isang judge? Basahin dito sa link na ito ang kwento ng abuso ni Judge Pantanosas sa kanyang contempt charge sa isa pang Juan. Kayo na po ang humusga.
#AbusoNgGoberyno | #AbusadongJudge | #KorteSupremaKorteProblema
Leave a Reply